Nanindigan si National Bureau of Investigation Director Jimmy Santiago na hindi nila ipapadala ang kanilang katanungan kay VP Sara Duterte.
Kahapon ay nakatakda sana ang unang imbestigasyon ng NBI sa kontrobersyal na pahayag ni Duterte ukol sa pagpatay kina PBBM, First Lady Liza Marcos at House Speaker Martin Romualdez ngunit hindi sumipot ang pangalawang pangulo.
Sa halip ay hiniling ng kampo ni Duterte na maipagpaliban ang kaniyang pagdalo. Humingi rin ang kaniyang kampo ng kopiya ng mga katanungan na maaaring tanungin ng panel, kasama na ang kopiya ng complaint na inihain laban sa kaniya.
Pero ayon kay Dir. Santiago, hindi nila mapagbibigyan ang kahilingan ni VP Sara na kopiya ng mga tanong.
Ang tanging maibibigay lamang aniya ng NBI ay ang kopiya ng complaint, habang isang tanong lamang ang maaari ring advance na ibigay kay Duterte, at ito ay kung sino ang nagbabanta sa kaniyang buhay.
Ayon kay Dir. Santiago, mayroon pang hanggang Dec. 11 para makapaghanda ang kampo ng pangalawang pangulo.
Pero kung hindi muli sisipot si VP Sara sa naturang petsa nang walang balidong dahilan, pasabi, o akmang request para sa panibagong re-schedule, mapipilitan na aniya ang NBI na ituloy ang imbetigasyon at magpasa ng rekomendasyon sa Department of Justice.
Pagtitiyak naman ng dating judge, magiging patas ang isasagawang imbestigasyon at didinggin aniya ng NBI ang lahat ng katwiran ni VP Sara Duterte.