Inaprubahan na ng Games and Amusement Board (GAB) para maging professional sports ang National Basketball League (NBL) at Women’s National Basketball League (WNBL).
Ito ay matapos na maipasa ng dalawang liga ang mga kinakailangang dokumento para maging professional sports league ng bansa.
Ayon kay GAB chairman Baham Mitra, nagkasundo ang professional games division ganun din ang kanilang legal at medical division at pinag-aralan ang mga safety protocols ganun din ang tournament rules ng NBL.
Naging mahirap aniya ang ginawang pag-comply ng NBL dahil mahigpit na ipinatupad ang health requirements at organizational structure.
Nabuo ang NBL noong 2018 habang ang 2019 naman ang WNBL kung saan pawang mga local na manlalaro lamang ang napipili sa bawat probinsiya, lungsod at munisipalidad ang kasali.
Sinabi naman ni Rose Montreal ang executive vice president ng liga, na sa tatlong taon nilang pagsasagawa ng liga ay nakita nila na maraming mga magagaling na manlalaro mula sa lokalidad.
Tiniyak din ni NBL president Celso “Soy” Mercado na kanilang pauunlarin ang liga para sa kapakanan ng mga local players.