-- Advertisements --

Inanunsyo ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) na magdadaos sila ng state necrological services kasabay ang pagdedetalye ng libing para kay Nora Aunor, na pumanaw noong Miyerkules, Abril 16, sa edad na 71.

Ayon sa NCCA, ang kanyang filmography ay may mahigit 170 pelikula at ang mga parangalan ni Nora Aunor na mga award mula sa lokal at internasyonal na ay nagpapatunay umano ng kanyang dakilang kontribusyon sa industriya ng pelikula.

Kilala si Aunor sa kanyang mga natatanging pagganap, tulad ng pagkapanalo ng Best Actress sa Gawad Urian at FAMAS noong 1976 para sa pelikulang ”Tatlong Taong Walang Diyos.” Siya rin ay nakatanggap ng Lifetime Achievement Award mula sa Film Academy of the Philippines noong 1993 at tinanghal na National Artist for Film and Broadcast noong 2022.

Bukod sa kanyang pagiging aktres, sikat din siya bilang mang-aawit ng mga kantang ”Pearly Shells” at ”Tiny Bubbles.”

Matatandaan na ibinahagi ng kanyang anak na si Ian de Leon ang balita ng kanyang pagpanaw, kung saan sinabi niyang ang ina ay “the source of unconditional love, strength, and warmth.” Nagbigay-pugay din ang kanyang anak na si Matet de Leon sa social media nito.

Si Aunor ay ikinasal kay Christopher de Leon noong 1975 ngunit naghiwalay sila at in-annul ang kanilang kasal noong 1996. Mayroon silang limang anak: Ian, Lotlot, Matet, Kiko, at Kenneth.