-- Advertisements --

Epektibo na ngayong araw, Marso 16 ang pagpapanatili ng Alert Level 1 sa buong National Capital Region (NCR) at 47 pang mga piling lugar sa Pilipinas.

Ito ay matapos na aprubahan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang bagong alert level classifications sa bansa.

Nakasaad sa inilabas na pahayag ni Presidential Spokesperson and Communications Secretary Martin Andanar na simula ngayong araw, Marso 16 hanggang sa Marso 31, 2022.

Aniya, ang mga lalawigan ng Nueva Ecija, Zambales, at Batangas, gayundin ang mga lungsod ng Lucena, Cebu, Ormoc, Tacloban, at Butuan ay idinagdag sa listahan ng mga lugar sa bansa kung saan ipatutupad ang naturang alert level system.

Kabilang pa sa mga piling lugar na mananatili sa pinakamababang alert level ay ang mga sumusunod:

Sa Luzon, mananatiling nasa ulalim ng Alert Level 1 ang Abra, Apayao, Baguio City, Kalinga, Dagupan City, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Batanes, Cagayan, City of Santiago, Isabela, Quirino Angeles City, Aurora, Bataan, Bulacan, Olongapo City, Pampanga, Tarlac, Cavite, Laguna, Marinduque, Puerto Princesa City, Romblon, Naga City at Catanduanes.

Sa Visayas, Aklan, Bacolod City, Capiz, Guimaras, Iloilo City, Siquijor, at Biliran.

Ang Alert Level 1 sa Zamboanga City, Cagayan de Oro City, Camiguin, at Davao City ay magpapatuloy hanggang sa katapusan ng Marso.

Sa ilalim ng Alert Level 1 ay pinahihintulutan ang paggalaw ng mga tao anuman ang edad at comorbidities ng mga ito.

Ang mga operasyon ng mga pribadong establisyimento at mga ahensya ng gobyerno ay pinapayagan din sa buong kapasidad sa lugar, na napapailalim sa minimum public health standards.

Mahigpit pa rin na ipinapatupad ang maayos na pagsusuot ng face mask, maliban sa pagkain at pag-inom; paglahok sa team at individual sports sa mga lugar na may maayos na bentilasyon; at outdoor sports or exercise activities kung saan maaari pa ring obserbahan ang physical distancing.

Kinakailangan din na makapagpakita ng proof of full vaccination ang mga indibidwal na may edad na 18 taong gulang pataas bago ito mapahintultan na makilahok sa mga mass gathering o makapasok sa lahat ng mga indoor establishments at iba pa.