-- Advertisements --

MANILA – Mga piling lugar sa Pilipinas muna ang makakatanggap ng COVID-19 vaccines na gawa ng Pfizer-BioNTech, ayon sa Department of Health (DOH).

Kabilang na rito ang National Capital Region (NCR), at mga lalawigan ng Cebu at Davao.

Paliwanag ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire, ang desisyon para sa limitadong distribusyon ng Pfizer vaccines ay dahil sa sensitibo nitong cold storage requirement.

Nangangailangan kasi ng hanggang -70 degree Celsius ang temperatura sa pag-iimbak ng nasabing bakuna.

“Dahil ito yung mga subok at napatunayan natin, base on simulation activities, na yung ultra low freezer at handling nila ay makakaya at hindi tayo magkakaroon ng wastage.”

Ngayong alas-9:00 ng gabi inaasahang dadating sa Pilipinas ang shipment ng 194,000 doses ng Pfizer vaccines. Donasyon ito ng COVAX Facility ng World Health Organization.

Ayon kay Vergeire, hindi naman maaapektuhan ng padating na supply ng Pfizer vaccines ang rollout ng pamahalaan sa mga bakuna.

“For these vaccines that we have na marami sa ngayon, ibibigay na natin agad dito sa priority groups of population.”

Aabot na sa higit 7.7-million doses ng COVID-19 vaccines ang hawak ng Pilipinas mula nang mag-umpisa ang vaccine rollout noong Pebrero.

Bukod sa bakuna ng Pfizer, ginagamit na ng gobyerno ang COVID-19 vaccines ng Sinovac, AstraZeneca, at Gamaleya Research Institute na Sputnik V.

“We are scaling up our vaccination program. So pagdating ng mas marami pang bakuna, this is something of benefit in the country, pinaghandaan na.”