Nagpapasaklolo na ang mga Metro Manila mayors sa national government para sa ayuda dahil sa dumarami ang mga lugar na inilalagay sa granular lockdowns.
Ayon kay MMDA chairman Benhur Abalos, nakatakda niyang kausapin si NEDA director general Karl Kendrick Chua na kung maaari ay gawing cost-sharing ang programa sa pagbibigay ng ayuda sa mga apektado ng mga lockdowns na mga residente.
Sa ngayon daw kasi ay mabigat ang gastusin at inaasahang baka tumagal pa ito at masaid ang mga pondo ng mga LGUs.
Dumipensa rin ito na kailangang gawin ang granular lockdowns baka kasi pati ang mga asymptomatic ay makahawa doon sa may mahinang mga resitensya o hindi pa nakapagbakuna.
Samantala, ipinagmalaki rin ng chairman ng Metro Manila mayors na umaabot na sa 11.7 million ang mga nabakunahan sa Metro Manila kung saan 4.2 million sa mga ito ay meron ng dalawang doses.
Habang ang 7.4 million ay nakatanggap na ng isang dose ng bakuna.
Lumalabas aniya na 76 percent na ang mga bakunado sa NCR.
Kampante ito na pagsapit ng Christmas ay mas marami na ang mga bakunado at kahit papaano ay makapag-celebrate na ng maayos ng kapaskuhan.
Maganda rin aniya ang kinalabasan nang pagbabakuna sa mga senior citizens sa NCR dahil sa umaabot na sa 78 percent ang mga nabakunahan sa mga lolo at lola.