Nais umano munang makita ng mga alkalde sa Metro Manila na tuloy-tuloy na ang pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 bago irekomendang ibaba na ang rehiyon sa modified general community quarantine (MGCQ).
Sa ngayon kasi ay pinalawig ng Inter-Agency Task Force ang general community quarantine (GCQ) status ng Kalakhang Maynila hanggang sa katapusan ng Oktubre.
Ayon kay San Juan Mayor Francis Zamora, habang nasa GCQ ay nakakita na raw ng pagbulusok ng mga bilang ng mga nagpopositibo sa virus ang Metro Manila kahit mas maraming mga negosyo na ang binuksan at maraming mga tao na rin ang pinayagang makalabas ng kani-kanilang mga bahay.
Sinabi pa ni Zamora, nag-iingat daw ang mga Metro Manila mayors na tumaas muli ang bilang ng mga active cases.
Inihalimbawa ng alkalde ang nangyari nang niluwagan ang quarantine status ng Metro Manila mula sa pinakamahigpit na enhanced community quarantine, patungong modified ECQ at sa kasalukuyang GCQ.
Una rito, sinabi ni Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque na kuwalipikado na ang ilang mga siyudad sa NCR na ilagay sa MGCQ.
Pero ayon kay Roque, mahirap daw ito sapagkat ang rehiyon ay nasa iisang geographical unit lamang.
“Sa data po ng IATF, lumabas na may ilang mga siyudad sa Metro Manila na pupuwede na sanang mag-MGCQ,” wika ni Roque.
“Kaya lang napakahirap naman pong mag-MGCQ sa ilang siyudad lamang dahil alam naman po natin na ang Metro Manila ay iisang geographic unit. So kinakailangan, bumoto rin po ang mga mayor na kinakailangan isa lang ang classification ng buong Metro Manila at hindi hiwa-hiwalay,” dagdag nito.