Nagkasundo ang mga alkalde sa National Capital Region (NCR) na bubuksan na nila ang kanilang mga vaccination sites para sa inter-border vaccination sa mga residente ng karatig siyudad at probinsiya bilang suporta at pakikiisa sa paglaban sa nakakamatay na Covid-19 disease.
Ang pagsang-ayon ng mga NCR mayorS ay kasunod sa isinagawang pulong kahapon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), National Task Force (NTF) Against COVID-19 na dinaluhan nina Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos Jr., NTF Chief Implementer Sec. Carlito Galvez Jr., COVID-19 Testing Czar Sec. Vince Dizon, Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque, MMDA Gen. Manager Usec. Jojo Garcia, Mayor Joy Belmonte, Marikina Mayor Marcy Teodoro, Rodriguez Rizal Mayor Dennis Hernandez, San Mateo Rizal Mayor Cristina Diaz at dating Gov. Jun-Jun Ynares.
Iniulat ng NTF Against Covid-19 na sumampa na sa higit 30 million jabs ang na-administer as of August 22,2021.
Ayon kay NTF Implementer at vaccine czar Sec. Carlito Galvez, nasa 30,389,160 COVID-19 doses ang na-administer nationwide.
Sa nasabing bilang, 17,258,675 ang naturukan ng first dose habang 13,130,485 naman ang fully vaccinated individuals.
Habang natatapos na ang pagbabakuna sa Metro Manila, nagkasundo ang mga mayor na tutulong na sila sa mga karatig na mga lugar nang sa gayon lahat ng Metro Manila Plus 8 ay magkaroon na ng population protection.
Ayon naman kay Marikina Mayor Marcy Teodoro, ngayong panahon ng pandemya mahalaga ang suporta at kooperasyon ng mga LGUs lalo na sa implementasyon ng vaccination program ng gobyerno.
Binigyang-diin ni Sec. Vince Dizon na kailangan na ngayon ng NCR at ng kanyang mga karatig-probinsya, tulad ng Rizal, Bulacan, Cavite, Laguna na magtulung-tulong at kailangan magsama-sama na para matugunan na ang pagtaas ng Covid-19 Delta variant.
Pinuri naman ni Quezon City Mayor Joy Belmonte, ang inter-LGU cooperation.
Ayon naman kay MMDA Chairman Benjamin Abalos Jr. para mapanatili ang health and safety at Istriktong nasusunod ang community quarantine protocols sa pagsasagawa ng inter-border vaccination dapat sumunod pa rin sa schedule na itatakda ng bawat LGUs.
Ang mga nais magpabakuna dapat magpa rehistro sa mga LGUs gamit ang kanilang online vaccination application.