MANILA – Sa gitna ng debate sa paggamit ng ivermectin, hinimok ng ilang alkalde sa National Capital Region (NCR) ang kanilang mga residente na hintayin ang opisyal na pahayag ng Department of Health.
“We listen to the medical experts… kami, pinapaubaya namin sa mga eksperto. What the FDA, DOH says we will accept, abide, and will follow,” ani Taguig City Mayor Lino Cayetano.
“Huwag tayo masyadong (maniwala) sa mga conspiracy theory. Just because there is a small positive news, hindi yun sapat para sabihing okay na yan. Makinig tayo sa mga eksperto,” ayon naman kay Pasig City Mayor Vico Sotto.
Nitong Huwebes nang mamahagi ng ivermectin sa Brgy. Matandang Balara, Quezon City ang ilang mambabatas.
Ito ay sa kabila ng pahayag ng Department of Health (DOH) at mga eksperto, na wala pang basehan na ligtas at epektibong panlaban sa COVID-19 ang ivermectin.
Ayon kay Anakalusugan Rep. Mike Defensor, isa sa mga naglunsad ng aktibidad, may basbas ng lokal na pamahalaan ang kanilang inisyatibo.
Nilinaw nina Cayetano at Sotto na hindi naman sila tutol sa paggamit ng naturang gamot. Pero mas mabuti umanong hintayin ang payo ng mga dalubhasa para masiguro ang kaligtasan ng publiko.
“Kapag dumating ang panahon na inaprubahan yan ng FDA, DOH… by all means, we will not just support, advocate it, we’ll buy it,” saad ni Cayetano.
Sotto on ivermectin: Huwag tayo masyadong maniwala sa mga conspiracy theory. Yung mga gamot na tinitake natin dumadaan yan sa matinding proseso. Just because there is a small positive news, hindi yun sapat para sabihing okay na yan. Makinig tayo sa mga eksperto. | @BomboRadyoNews
— Christian Yosores (@chrisyosores) April 30, 2021
“Yung mga gamot na tine-take natin, dumadaan yan sa matinding proseso, hindi yan basta-basta,” dagdag ni Sotto.
Ayon sa DOH, dapat mag-move on na ang publiko sa issue ng ivermectin dahil handa naman nila itong imbestigahan.
“Kung ano man yung mga nangyayari dito ay gagawan natin ng imbestigasyon kung kinakailangan,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.