-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nakakakitaan pa rin ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa ibang mga lugar sa bansa sa kabila na pagbaba ng kaso sa National Capital Region at mga kalapit lalawigan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Guido David, OCTA Research Fellow na may nakikitang pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa National Capital Region na nagtala ng mahigit walong libo kahapon at maging sa mga kalapit lalawigan na kinabibilangan ng Laguna, Rizal, Cavite at Bulacan ay bumababa na rin.

Sa ngayon ay bumaba na lamang 1.79 ang reproduction at mayroon nang negative growth rate na -10%.

Sinabi ni Dr. David na ang pagkakatala ng Omicron variant ang dahilan ng mabilisang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lalawigan ng Isabela, Baguio City, at Cebu City.

Kakaiba anya ang Omicron variant na mabilis ang pagkakahawa ngunit biglang din ang pagbaba.

Sa NCR ay naniniwala siyang nalagpasan na ang peak ng pagtaas ng kaso ngunit sa ibang mga rehiyon sa bansa ay hindi pa nararating ang peak nito.

Ipinayo pa rin ni Dr. David na ugaliin ang pagsusuot ng face mask pangunahin na sa mga matataong lugar.