-- Advertisements --

Ikinagalak ng Department of Tourism (DOT) ang hakbang ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na payagan na rin ang interzonal leisure travel sa mga residente ng National Capital Region (NCR) simula ngayong Setyembre 16.

Agad namang nagpaalala si Tourism Secretary Berna Romulo-Puyat, na ang mga residente ng Metro manila na 18-anyos pababa at ang mga 65-anyos pataas ay hindi pa rin pupuwede na mamasyal o magbiyahe sa ilalim ng Alert Level 4 guidelines.

Ang mga biyahero umano o kaya naman mga local tourists ay sasailalim pa rin sa mga patakaran ng mga local government units (LGU) na kanilang magiging destinasyon.

Halimbawa na lamang ang mga Metro Manila residents na nasa pagitan ng edad 18 hanggang 65-anyos ay maaring magbiyahe patungong Boracay Island at iba pang tourist destinations na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) at modified GCQ status simula sa September 16, pero depende sa LGU doon sa lugar nilang tutunguhin.