Muling naglatag ng mga quarantine checkpoints ang pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO), ito’y matapos tumaas muli ang kaso ng Covid-19 cases sa Metro Manila.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay NCRPO chief BGen. Vicente Danao, aniya kung magtuloy-tuloy ang pagsipa ng Covid-19 cases, kaniyang irekumenda sa IATF na isailalim sa total lockdown ang buong Metro Manila o ibalik ito sa Modified Enhance Community Quarantine (MECQ).
Ayon kay Danao, base sa kanilang monitoring sumampa sa 2,500 ang Covid 19 cases nuong Biyernes,December 18 lamang, dahilan para kanilang ibinalik ang mga quarantine control points sa kalakhang Maynila.
” Inoobserbahan namin ngayon kung ano ang magiging spike ng ating Covid-19 cases kasi nga masyado marami yung cases na naman at medyo umaakyat na naman, so kung ito ay patuloy na aakyat baka irekumenda namin ito babalik tayo sa MECQ yun yung medyo mahirap kaya nga po sana makiusap tayo sa ating mga kababayan na medyo huwag naman magpasaway dahil mahihirapan na naman tayo,” pahayag ni BGen. Danao.
Paliwanag ni Danao, kapag nakapagtala ng 3,000 bagong Covid-19 cases kada araw na siyang baseline para isailalim sa lockdown o ibalik sa MECQ ang Metro Manila.
” Last Friday, we have 2,500 plus cases ang gauge niyan is 3,000. Pag yan lumampas ng 3,000 in a day ay delikado yan so babalik na naman tayo, yun ang iniingatan natin na mag i-spike ng ganyan, pinag-aaralan nga namin na magla-lockdown ng 2-3 days buong NCR, very normal na kasi ang paglabas ng mga tao talagang pinabayaan na eh,” wika ni Danao.
Dinoble na rin ng NCRPO ang police visibility sa mga shopping malls lalo na ngayon na nagkaisa ang mga Metro Manila Mayors na restricted ang mga minors 18 years old pababa sa mga public places.
Ayon kay Danao,ang pag doble ng bilang ng mga uniformed policemen sa mga malls, simbahan at iba pang mga places of convergence ay para masigurado na nasusunuod ang minimum health standards and protocols.
Layon din nito para masigurado na walang mga bata ang makakapasok sa mga malls.
” Malls, churches, transport terminals lahat na kung ano ang kaya nating i-cover, ibabalik natin yung QCPs ang Quarantine Control Points, yun lang naman sana na hindi aakyat ng 3,000 dahil kung magtuloy tuloy ito kada araw ay delikado yan,” dagdag pa ni Danao.
Sinabi ni Danao na suportado ng NCRPO ang naging desisyon ng mga local government units na ipagbawal ang mga minors sa mga pampublikong lugar.
Aniya, hindi pa tapos ang pandemic at pagala-gala pa din ang Covid-19 virus, kaya mataas pa rin ang tiyansa na marami ang mahawa sa nakamamatay na virus.
Nilinaw din ni Danao ang IATF ang magdesisyon kung ano ang kanilang paiiralin sa sandaling papalo sa higit 3,000 ang maitalang Covid-19 cases kada araw
” Depende yan sa magiging desisyon ng IATF, it will be a collegiate body that will be decided by everyone, pero if I will be ask that will be my recommendation kesa sunud-sunod muli yung mamamatay,” pahayag ni BGen. Danao.