Mananatili sa kaniyang pwesto si National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Maj. Gen. Debold Sinas matapos sampahan ng kasong kriminal at administratibo dahil sa paglabag sa quarantine protocols.
Ito ang binigyang-diin ni PNP chief Gen. Archie Francisco Gamboa na mananatili sa pwesto si Sinas.
Ayon kay Gamboa, dapat unawain ng publiko na mahirap ang sitwasyon ngayon dahil sa kinahaharap na health crisis.
Hindi umano madaling basta na lamang sisibakin sa pwesto ang NCRPO chief dahil marami itong programa may kaugnayan sa COVID-19.
Sinabi pa ng PNP chief, maganda ang performance ni Sinas lalo na sa kampanya kontra iligal na droga at illegal gambling.
Paliwanag pa ng PNP chief, talagang nahinto ang illegal gambling sa NCR nang maupong hepe ng NCRPO si Sinas at sumusunod din dito ang mga district director at mga chief of police.
Sa kabilang dako, sinabi rin ni Gamboa na limang iba pang heneral ang kabilang sa mga ipinagharap sa reklamo kaugnay ng mañanita, mayroon ding walong full colonel, ilang lieutenant colonel at police corporal.