-- Advertisements --

Nilinaw ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Maj. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na walang pulis sa rehiyon ang nakikipag-ugnayan sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) kaugnay sa war on drugs ng dating administrasyon.

Ito ay kasunod ng pahayag ni retired PNP chief at Senator Ronald “Bato” dela Rosa na isa sa kaniyang upperclassmen ang naghihimok sa mga aktibong opisyal para tumestigo laban sa kaniya at kay dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang parte ng imbestigasyon ng ICC.

Subalit sinabi ni Maj. Gen Nartatez na wala silang namonitor na sinuman na nakikilahok sa imbestigasyon ng ICC.

Kung mayroon man aniya na gumawa nito, malinaw aniya ang pronouncement ng pamahalaan kaugnay sa koordinasyon sa ICC gaya ng sinabi ng DOJ na walang sinuman ang makikipagtulungan sa ICC.

Nanindigan din ang NCRPO chief na ang mga kapulisan sa Metro Manila ay mananatiling loyal sa Konstitusyon.

Una na ngang nanindigan din ang pambansang pulisya na wala itong namonitor na anumang reports sa umano’y nilulutong pag-aaklas laban kay PBBM taliwas sa alegasyon ni dating Sen. Antonio Trillanes IV.