Pinaaalalahanan muli ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief police dir. Camilo Cascolan ang lahat ng mga pulis sa kalakhang Maynila na tutukan ang kanilang mga duties and responsibilities at ang anti-criminality operations.
Ito’y isang araw bago ang inaasahan na maayos at mapayapang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections bukas, May 14.
Bilin ni Cascolan sa kaniyang mga tauhan na mahigpit na ipatupad ang lahat ng rules ng Commission on Elections (Comelec), palakasin ang anti-criminality operations, paigtingin ang pagsasagawa ng mobile patrol, checkpoints at beat patrol.
Direktiba nito sa mga commanders na mahigpit na i-supervise ang kanilang mga tauhan lalo na sa mga pasaway na pulis na agad disiplinahin ang mga ito.
Binigyang-diin pa din ni Cascolan na bagama’t abala sila sa pagbibigay ng seguridad para sa halalan, tuloy pa rin ang kanilang operasyon laban sa iligal na droga.
Hinimok din nito ang publiko na agad ipagbigay alam sa mga otoridad kapag may nakikita o naoobserbahan silang kakaiba sa kanilang mga komunidad.
Aniya, mahalaga ang suporta at kooperasyon ng publiko para mapanatili ang kapayapaan at kaayusan.