Nasa 19 na mga opisyal sa pangunguna ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief MGen. Debold Sinas ang kinasuhan ng PNP Internal Affairs Service (IAS) sa Taguig City Prosecutors Office.
Bukod kay Sinas, limang one star general ang kinasuhan, na kinabibilangan nina BGen. Nicolas Bathan, BGen. Florendo Quibuyen, BGen. Florencio Ortilla, BGen. Gerry Galvan, at BGen. Ildebrandy Usana.
Kasama rin sa mga sinampahan ng kaso ang mga opisyal na sina Col. Eliseo Tanding; Col. Remus Medina; Col. Raul Tacaca; Col. Emmanuel Peralta; Col. Thomas Frias Jr.; Col. Rodel Pastor; Col. Ferdinand Ortega; Col. Manuel Abrugena; Lt Col. Orlando Carag Jr.; Maj. Empream Paguyod; Maj. Britz Sales at dalawang police corporal.
Ang PNP Internal Affairs Service (PNP-IAS) at PNP intelligence group ang naghain ng kaso laban sa mga opisyal nitong Biyernes ng hapon.
Kasong paglabag sa Presidential Proclamation No 922, Republic Act 11469 o ang Bayanihan to Heal as One Act, RA 1132 o ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.
Maliban dito, lumabag din daw sila sa ordinansa ng Taguig City kaugnay sa obligadong pagsusuot ng facemask.
Samantala, isinumite na ni PNP-IAS Inspector General Atty. Alfegar Triambulo kay PNP Chief PGen. Archie Francisco Gamboa ang report ng kanilang imbestigasyon sa “birthday party” o “mañanita” ni Sinas.
Kasama sa report ang mga ebidensya para masampahan ng kriminal at administratibong kaso si Sinas at iba pang mga opisyal at PNP personnel na lumahok sa naturang pagtitipon, na ipinagbabawal sa ilalim ng umiiral na Enhanced Community Quarantine.
Kaugnay nito, sinabi ni PNP Spokesperson P/BGen. Bernard Banac na alas-3:00 nitong hapon nang magtungo ang mga tauhan ng IAS at PNP Intelligence Group sa Taguig City Prosecutor’s Office para isampa ang reklamo.