All- set na ang lahat para sa paggunita sa tradisyunal na Traslacion ngayong 2021 ng Pista ng Itim na Nazareno na nakatakda bukas, January 9 sa Quiapo, Maynila.
Ito ang tiniyak ng pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Kanselado kasi ngayon ang prusisyon dahil sa umiiral na COVID 19 Pandemic.
Ayon kay National Capital Region Police Office o NCRPO Director P/BGen. Vicente Danao Jr, nasa humigit kumulang 27,000 na police personnel ang ipinakalat nila sa lungsod ng Maynila para magbigay seguridad at tiyakin na nasusunod ang minimum health protocol.
Ang aktibida sa pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno ay magkakaroon lamang ng misa sa simbahan ng Quiapo na simultaneous sa tatlo pang simbahan sa San Sebastian Basilica, Sta. Cruz Church at Nazarene Catholic School Gymnasium.
Layon nito para hindi magsiksikan ang mga deboto sa Quiapo church.
Kasunod nito, pinaalalahanan ni Danao ang mga deboto na sundin ang ipinatutupad na minimum health protocols, huwag magdala ng backpack at mga may kulay na sisidlan bilang bahagi ng seguridad.
Binigyang diin pa ng NCRPO Chief, bagama’t kanselado ang mga nakagawiang aktibidad sa Traslacion tulad ng Prusisyon ng Poon, malaking hamon pa rin sa kanila kung paano masusunod ang Physical Distancing lalo’t inaasahang dagsa ang mga deboto bukas.
Nanawagan si Danao sa mga deboto na dapat sumunod sila sa mga ipinatutupad na panuntunan kung talagang totoo at dalisay ang kanilang pagmamahal sa Diyos.