-- Advertisements --
image 110

Kasalukuyan nang pinaghahanap ng pulisya ang person of interest (POI) na pinaniniwalaang gunman sa pagpaslang sa beteranong mamamahayag na si Percival Mabasa o mas kilala bilang si Percy Lapid.

Sa isang pulong balitaan ay ipinakita ng National Capital Region Police (NCRPO) sa media ang isang digital enhance copy ng larawan ng umano’y gunman ni Lapid.

Ayon kay NCRPO chief Police Brigadier General Jonnel Estomo, ang larawang ito ay kuha ng mga CCTV camera sa mga lugar na dinaanan ng biktima ilang sandali bago ang pamamaril.

Batay sa mga nakuhang CCTV footages ng pulisya, namataan ang POI harap ng Las Piñas city hall na nasa 100 metro lamang ang layo mula sa tahanan ni Lapid.

Paliwanag ni Special Investigation Task Force commander, PCol. Restituto Arcangel, natuloy nila ang gunman matapos na magtugma ang damit na suot nito sa markings na nakuha ng pulisya mula sa iba pang CCTV footage na kanilang nakalap.

Kaugnay nito ay nanghingi naman ng tulong si Department of Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos sa publiko na agad na ituro sa pulisya ang sinumang nakakakilala sa lalaking nasa larawan, kasabay ng panawagan sa person of interest na sumuko na lamang sa pulisya upang matuldukan na ang lahat ng ito.

Bukod dito ay inihayag din ni Abalos na itinaas na ng kagawaran sa P1.5 million ang halaga ng pabuya sa sinumang makakapagbigyan sa pulisya ng pagkakakilanlan sa nasabing lalaki.

Ang pabuyang ito ay galing mismo sa bulsa ng kalihim at iba pa niyang mga kakilala na nagnanais na tumulong sa mga kinauukulan na mapabilis pa ang imbestigasyon at pagkamit sa hustisya sa pagpaslang sa naturang mamamahayag.

Maaaring makipag-ugnayan lamang daw sa mga numerong 09474622859 / 09985987928 o sa PLDT hotline na 88087935 / 85258403 ang sinumang may kahit anong impormasyon hinggil sa person of interest sa pamamaril kay Lapid.