Nag-endorso na ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng patung-patong na criminal complaints laban sa 10 police official na sangkot umano sa pagsisilbi ng pekeng arrest warrant at panloloob sa bahay ng isang ginang sa Taguig city noong Linggo, Pebrero 9.
Kabilang sa complaints na isinumite sa Taguig Prosecutor’s office ay Robbery, Grave Coercion, Physical Injury, Obstruction of Justice, Malicious Mischief, RA 7610, Unlawful Arrest, at Violation of Domicile laban sa 10 pulis.
Sa isang statement, sinabi ng NCRPO na ang inihaing complaints ay base sa kanilang illegal actions na nagawa at degree of participation sa iligal na operasyon.
Tiniyak naman ng NCRPO na ang mga kaso ay “airtight” at base sa mga nakalap na piraso ng ebidensiya sa kasagsagan ng imbestigasyon na may tanging layunin na siguruhing maisisilbi ang hustisya sa mga biktima.
Samantala, nakatakda namang siyasatin ng Department of Justice (DPJ) ang mga isinumiteng reklamo para sa filing ng kaso sa korte.
Haharap naman ang mga sangkot na police officer sa administrative investigation.
Ipinag-utos naman na ni Police B.Gen Anthony Aberin, acting regional director ng NCRPO, ang pagsibak sa 10 pulis mula sa kani-kanilang pwesto.
Samantala, inatasan naman ni PNP chief Gen. Rommel Marbil ang lahat ng police units na sumunod sa operations procedures at ethical standards kasabay ng pag-utos ng masusing imbestigasyon sa insidente.