Nananawagan ang pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa mga kinauukulan na gawan na ng paraan ang tumitinding kondisyon ng mga detention cell sa mga himpilan ng pulisya na nagdudulot na ng pagkamatay ng ilan sa mga preso.
Ayon kay NCRPO chief PDir Oscar Albayalde na sa nakalipas na 10 buwan mula July noong 2016 hanggang sa kasalukuyan ay nasa 26 na ang namatay na detainees.
Sa bilang na ito, 18 ay naganap sa Taguig police station.
Dagdag pa ni Albayalde, nasa 62 lamang dapat ang kayang i accomodate sa kulungan sa Taguig police subalit umabot na ito sa mahigit 200.
Dahil dito, minabuti muna ng NCRPO na ilipat muna ang marami sa mga detainee sa temporary detention center sa Camp Bicutan, hanggat hindi nalulutas ang problema ng congestion sa kulungan.
Nilinaw din ng heneral na hindi sagutin ng pulisya ang pagkain ng mga detainee sa ibat ibang police station dahil hindi ito saklaw ng kanilang budget.