-- Advertisements --

Nagtalaga na ang National Capital Region ng mga point man sa kampo ng mga kandidato sa Metro Manila upang maiwasan ang posibleng paggigitgitan ng mga ito habang nasa kasagsagan ng pangangampaniya.

Ayon kay National Capital Region Police Officer (NCRPO) Chief, PBGen Anthony Aberin, ang mga point man ang makikipag-coordinate sa kampo ng bawat kandidato upang alamin ang kanilang mga schedule o ruta.

Ito ay upang matiyak na hindi magsasabay ang mga magkakalabang kampo sa iisang lugar o iisang komunidad.

Sa ganitong paraan ay maiiwasan aniya ang kantiyawan, pikunan, at posibleng banggaan ng mga supporter ng bawat kandidato.

Nais ding tiyakin ng NCRPO na hindi magkakalapit ang lugar kung saan isasagawa ng bawat kandidato ang kanilang mga programa o sorties.

Maliban sa mga point man, naka-kalat din sa mga lansangan ang mga pulis upang bantayan ang sitwasyon habang kaliwa’t-kanan ang mga nagsasagawa ng pangangampaniya, kapwa sa mga nagbabahay-bahay at mga gumagamit ng mga motorcade.

Nagdagdag din ang NCRPO ng mga personnel sa matataong lugar at tuloy-tuloy itong gagawin, lalo kung matukoy ng PNP ang pangangailangang laliman pa ang latag ng seguridad sa mga naturang lugar.

Giit ng NCRPO Chief, mananatiling apolitical ang pulisya, sa kabila ng pagkakalantad nila sa ginagawang pangangampaniya ng mga kandidato, dahil ang pangunahing tungkulin ng mga pulis ay magbigay ng seguridad at panatilihin ang kaayusan sa mga komunidad, lalo na sa kabuuan ng election period.