Simula sa araw ng linggo naka-full alert status na ang National Capital Region Police Office (NCRPO) para sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa araw ng Lunes, Hulyo 22.
Ito ang inihayag ni NCRPO chief Police Major General Jose Melencio Nartatez Jr. kasabay ng send-off ceremony para sa mga kapulisan na ipapakalat para sa SONA ng Pangulo.
Mula aniya sa kabuuang 23,000 police personnel na idedeploy sa SONA, nasa 8,000 kapulisan ang itatalaga sa Commonwealth Avenue at IBP Road areas na mahahati sa 15 grupo.
Inilaan nga ng QC LGU ang Commonwealth Avenue-Sandiganbayan area para sa pro-government rally habang sa may Tandang Sora avenue naman ang inilaan para sa mga protester.
Una na ngang sinabi ni Philippine National Police spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na kanilang inirekomenda na payagan ang mga protester hanggang sa Commonwealth Avenue-Tandang Sora Avenue sa araw ng SONA habang sa pro-administration rallies naman ay inirekomenda sa may Commission on Audit building area.
Samantala, ayon sa NCRPO chief, ipapatupad nila ang maximum tolerance sa mga magkakasa ng protesta sa araw ng SONA.