Tiniyak ng pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na nakahanda sila magbigay ng seguridad sa mga hotel kung kinakailangan para istriktong maipatupad ang health quarantine protocol.
Ang pahayag ng NCRPO ay bunsod ng insidente kung saan isang balikbayan mula Amerika ang tumakas sa hotel habang naka-quarantine at nakipag-party pa dahil mayroon umano itong “connections.”
Ayon kay NCRPO Chief P/Maj.Gen. Vicente Danao Jr., ang mga hotel ay mayroong sariling in-house security para tiyakin na nasusunod ang Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) protocol.
Pero kung kailangan pa ng mga hotel ang dagdag na enforcers ay nakahanda naman ang PNP na magpadala ng kanilang manpower pero depende sa sitwasyon.
Apela naman ni Danao sa mga mamamayan na maging disiplinado, sumunod sa COVID-19 safety protocols lalo at tumataas na naman ang kaso ng nasabing virus sa bansa.
Giit ng NCRPO chief, mahalaga ang pagkakaroon ng sariling disiplina dahil hindi kaya ng PNP na bantayan ang lahat ng mga lugar.
Sa ngayon, iniimbestigahan na ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group ang circumstances na kinasasangkutan ng isang balikbayan na hindi sumailalim sa quarantine.