Tinawanan lang ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Oscar Albayalde ang ibinabanderang 100,000 raliyista na magmamartsa kontra sa gobyerno sa Luneta ngayong araw.
Sa panayam kay Albayalde, kaniyang sinabi na nasa 10,000 protesters lang ang inaasahan ng PNP na magtitipon tipon sa Luneta.
Gayunpaman sinabi ni Albayalde na ayaw niya namang i-under estimate ang pwersa ng mga ito kaya pinaghandaan na rin nila ang worst-case scenario.
Bagama’t wala aniya silang na-monitor na anumang posibleng terror threat o bantang panggugulo, pinayuhan ng opisyal ang mga magra-rally na bantayan ang kanilang mga hanay upang hindi sila ma-infiltrate ng masasamang loob.
Sinabi ni Albayalde na binabantayan din ng PNP na hindi magpang-abot ang mga anti-government demonstrators at ang mga pro-Duterte group na inaasahang aabot din sa 10,000 hanggang 15,000.
Giit ng heneral na ang kanilang gagawing pagbabantay ay katulad ng ginawa sa traslasyon, kung saan malayang makakilos ang mga kalahok, habang naka-abang lang mga pulis sa strategic locations.
Aniya, ang pinakamalaking concern ng PNP ay ang posibleng problema sa trapiko sa Manila area.