Kinumpirma ng pamunuan ng National Capital Region Police Office na aabot sa 69 foreign national ang nakatakda nilang pakawalan.
Ang nasabing bilang ng mga dayuhan ay nasagip ng pulisya matapos ang ikinasang operasyon sa isang scam hub sa lungsod ng Maynila.
Ayon kay PNP Anti-Cybercrime Group Director Police Major General Ronnie Francis Cariaga, kabilang sa mga foreign national na nasagip ay mga Chinese, Malaysian at Indonesian.
Sa ngayon, wala pang kaso ang naihahain laban sa mga ito dahil sa nagpapatuloy na imbestigasyon.
Batay sa isinagawang pagsusuri, napag-alaman na undocumented ang mga ito at lahat sila ay walang kaukulang pasaporte.
Giit pa ng opisyal na maaaring matagalan ang imbestigasyon dahil sa holiday at lumagpas na rin sa 36 oras na reglementary period ang mga banyaga kaya’t sa ilalim ng batas ay kailangan na silang pakawalan ng mga otoridad.
Kaugnay nito ay siniguro ni Cariaga na magpapatuloy ang kanilang pagiimbestiga at maghahain rin sila ng kaso sa oras na makakuha sila ng matibay at konkretong ebidensya.