Nilinaw ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na ang insidente ng umano’y pagdukot sa isang Chinese national ng kaniyang mga kasamahan ay hindi pareho sa insidente na nakunan sa CCTV footage na nag-viral.
Paglilinaw ni Police Lt. Col. Dexter Versola, NCRPO spokesperson, ang insidente na nakunan sa nag-viral na video ay nangyari sa Taguig city at hindi sa Paranaque City.
Sinabi ni Versola, ayon sa imbestigador na hindi attempted kidnapping ang nangyari sa 28 year old na Chinese kundi kaso ng robbery ang nangyari sa Skyway sa Taguig city.
Sa naturang video na tumagal ng 30 segundo, makikita na may isang kotse ang humarang sa isang van sa may bahagi ng flyover. Makikita ang mga armadong mga lalaki na tila kinakausap ang mga lulan ng van at tila may tinatangkang kunin mula sa van.
Una rito, sa hiwalay na police report mula kay Versola, sinabi nito na noong Aug. 21 may kidnapping attempt kaugnay sa isang 28 year old lalaking Chinese sa harap ng pearl Plaza building sa Barangay Tambo, Parañaque City.