-- Advertisements --

Nilinaw ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na nasa 70,000 hanggang 80,000 ang bilang ng mga dumalo sa grand campaign rally ni Vice President Leni Rebredo kasabay ng pagdiriwang ng kaniyang kaarawan sa Macapagal Boulevard sa lungsod ng Pasay.

Sa inilabas na statement ngayong araw, sinabi ng NCRPO na ang mga dumalo sa naturang rally ay mga grupo ng supporters at volunteers ng Leni-Kiko tandem mula sa iba’t ibang mga lugar.

Sa kabuuan ng grand campaign rally, ayon sa NCRPO naging generally peaceful ito at hindi naman aniya nagtagal pa at umalis din ang malaking bilang ng mga supporter.

May ilang attendees aniya na nananatili na lamang malapit sa establisyemento gaya ng malls at restaurants.

Nauna ng iniulat ng NCRPO na aabot sa pagitan ng 90,000 hanggang 100,000 ang bilang ng mga taong dumalo sa Leni-Kiko campaign rally.

Pinasalamatan naman ni NCRPO director Maj. Gen. Felipe Natividad ang mga attendees at organizers para sa kanilang kooperasyon sa pagtatapos ng event ng mapayapa.