Iniimbestigahan na ngayon ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) sa pakikipagtulungan ng National Telecommunications Commission (NTC) ang kaugnay sa inilabas na emergency warning na natanggap ng ilang mga indibidwal patungkol sa isang presidential candidate kahapon sa may bahagi ng Sofitel kung saan ginaganap ang filing ng certificate of candidacy (COC).
Una rito, kahapon nakatanggap ng emergency alert message ang ilang mga cellphone users patungkol kay presidential aspirant Bongbong Marcos.
Nilinaw naman ni NDRRMC Spokesperson Mark Timbal na hindi ganitong mensahe ang kanilang ibinabahagi sa publiko sa pakikipagtulungan ng kanilang Telco partners.
Ikinagulat din ng ahensiya na may ganitong mensahe.
Sinabi ni Timbal na ang paggamit nila ng emergency mobile alerts system ay nakasaad sa ilalim ng RA 10639 or the Free Mobile Disaster Alerts Law.
Ayon kay Timbal ang emergency notifications na inisyu ng NDRRMC ay patungkol sa rainfall warnings dahil sa patuloy na sama ng panahon.
Sa ngayon, kinukunsulta na ng NDRRMC ang kanilang TELCO counterparts kaugnay sa insidente.
Aminado si Timbal na ngayon lamang nangyari na may ganitong emergency alert na inilabas ng NDRRMC.
Ang kampo naman ni Marcos ay itinatanggi na sa kanila nagmula ang textblast na maaring bahagi raw ng “demolition job.”