Inanunsyo ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na bini-validate na nila ang mga naiulat na karagdagang pagkamatay at mga sugatan dahil sa epekto ng bagyong Egay at southwest monsoon o habagat.
Una nang sinabi ng NDRRMC na isa na ang kumpirmadong patay at 2 sugatan dahil sa sama ng panahon.
Lubhang tinamaan ng Bagyong Egay ang hilagang bahagi ng Pilipinas na nagpabagsak ng mga puno, nawalan ng kuryente, at nagbuhos ng malakas na ulan.
Ayon sa pinakahuling ulat ng ahensya, may kabuuang bilang na 44,356 pamilya o 180,439 indibidwal ang naapektuhan ng pinagsamang epekto ng bagyo at habagat.
Dagdag dito, nasa 11,041 katao ang nasa 107 emergency evacuation centers.
Sa kasalukuyan, patuloy pa din ang isinasagawang monitoring ng NDRRMC upang agad na matugunan at makapagsagawa ng search and rescue operations para sa mga residenteng naapektuhan ng naturang bagyo.