-- Advertisements --

Isiniwalat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na magtatatag sila ng isang komite na mangangasiwa sa PAGASA at mga dam operators hinggil sa pagkontrol sa pagbubukas ng gates ng mga dam sa tuwing may bagyo.

Ayon kay NDRRMC executive director Ricardo Jalad, nananatili pa rin sa kamay ng PAGASA at dam managers ang pinal na desisyon kaugnay sa pagpapakawala ng tubig.

“Nagkaroon ng desisyon sa NDRRMC na mag-create ng committee na tatawagin nating dam safety committee pero mayroon kasi tayong protocol base doon sa isang desisyon noong panahon ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo na ang magdecide talaga niyan ay ang PAGASA dahil sila ang nakakakita ng forecast ng malalakas na pag-ulan,” wika ni Jalad.

“Puwede siguro i-create natin ‘yung committee as an oversight to the two agencies, PAGASA and dam managers, in preparing for the approach of the typhoon. But ang desisyon talaga is PAGASA and dam managers dahil sila ang nakakakita sa aktuwal na sitwasyon…” dagdag nito.

Sinabi ni Jalad, mas mahabang proseso pa raw kasi kung NDRRMC ang magpapasya kaugnay sa pagpapakawala ng tubig ng mga dam.

“Kung ilalagay natin ‘yan sa NDRRMC, alam naman natin mayroon tayong konseho na maguusap ‘yan, magkakaroon ng consensus, baka tumagal ‘yung desisyon natin, hindi tayo makapagpalabas agad ng tubig,” ani Jalad.

Una rito, sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na bukas ito sa panukalang ibigay sa NDRRMC ang kontrol sa pagbukas ng mga gates ng mga dam.

Maaalalang ang pagre-release ng tubig ng Magat Dam ang sinisisi kung bakit nagkaroon ng malawakang pagbaha sa mga lalawigan ng Cagayan at Isabela, bukod pa sa malakas na buhos ng ulan dulot ng Bagyong Ulysses.