-- Advertisements --

VIGAN CITY – Bwineltahan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang kumakalat na balitang pinapasok o nire-raid ng Office of Civil Defense ang mga ospital sa bansa upang mayroong maibigay na medical supply sa mga frontliners.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni NDRRMC-OCD spokesman Mark Timbal na fake news umano ang kumalat na balitang pinapasok ng kanilang mga kasamahan ang mga ospital sa bansa para kumuha ng mga medical supplies na siyang ipapamahagi sa mga frontliners laban sa COVID- 19.

Binigyang diin ni Timbal na ang kanilang mga ipinapamahaging medical supply at personal protection equipment ay galing sa government procurement at donasyon mula sa iba’t ibang grupo at indibidwal.

Maliban sa mga medical supply, mayroon din umano silang ipinapamahaging bottled water para sa mga frontliners.

Kaugnay nito, hinimok ng opisyal ang publiko na iwasan ang pagpapakalat ng fake news at sa halip ay makipagtulungan na lamang sa pagsugpo sa nasabing virus sa pamamagitan ng pananatili sa loob ng bahay at pagsunod sa mga guidelines na ipinalabas ng Department of Health at Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases.