-- Advertisements --

Hinimok ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang mga Local Chief Executives na magpasa ng Ordinansa para sa paglilikas sa tuwing may darating na kalamidad.

Ito kasi ang nakikitang solusyon ng ahensiya para maiwasan na magkaroon ng casualties sa tuwing may kalamidad.

Kasunod ng mga natutunang leksiyon sa nakalipas na Bagyong Ompong.

Mismong si NDRRMC Exec/Dir. Ricardo Jalad, ang nagsabi na mas mainam na mayroong ordinansa ang bawat bayan para otomatikong paglikas ng mga residente.

Aminado si Jalad na kahit ipatupad ng mga Lokal Chief Executives ang pre-emptive evacuation, marami pa rin sa mga nasasakupan nito ang patuloy sa pagmamatigas na lisanin ang kanilang tahanan sa takot na mawala ang kanilang mga pinaghirapang kagamitan.

Pagtitiyak pa ni Jalad, Handa naman silang magsanay ng mga tauhan na siya namang magpapasa ng mga kaalaman sa lebel ng Lalawigan, Bayan hanggang sa mga Barangay hinggil sa tamang paraan ng paglilikas sa tuwing may kalamidad.

Sinabi ni Jalad na kabilang na rin sa probisyon ng Panukalang pagtatatag ng DDR o Department of Disaster Resilience ang mandatory evacuation sa tuwing may mga paparating na kalamidad tulad ng bagyo.

Sa DDR ay bibigyang kapangyarihan ang Pulisya at Militar na magsagawa ng Force Evacuation kung may paparating na matinding kalamidad tulad ng Bagyo, Pagputok ng Bulkan at iba pa.