VIGAN CITY – Hindi umano nagkulang ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa paaalala hinggil sa pananalasa ng Bagyong Ursula sa bansa.
Ito ay may kaugnayan sa lumulobong bilang ng mga namatay sa pananalasa ng nasabing bagyo na mas marami kung ikukumpara sa bilang ng casualty noong nanalasa ang Bagyong Tisoy na mas malakas pa kaysa kay Ursula.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni NDRRMC – Office of the Civil Defense spokesman Mark Timbal na kahit holiday ay hindi umano sila nagkulang sa pagpapalabas ng advisory hinggil sa bagyo.
Naniniwala si Timbal na masyado lamang umanong naging confident ang publiko na hindi malakas ang epekto ng Bagyong Ursula kaya marami pa rin ang lumabas sa kani-kanilang tahanan na siyang dahilan kung bakit marami ang nabagsakan ng puno at nalunod dahil sa bagyo.
Sa ngayon, aabot na sa halos 30 katao ang namatay dahil sa pananalasa ng nasabing bagyo at mayroon pang naipabalitang nawawala.