-- Advertisements --

Nagpaabot ng pasasalamat sa publiko ang National Disaster Risk Reduction and Management Council sa aktibong pakikilahok ng lahat sa Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) na isinagawa nitong Huwebes ng umaga.

Eksaktong alas-9:00 ng umaga isinagawa ang NSED sa iba’t ibang lokasyon sa buong bansa, at maging sa mga kanya kayang tahanan ng mga mamamayan.

Sa Camp Aguinaldo, sumilong sa ilalim ng lamesa si Timbal at ang mga tauhan ng NDRRMC bago “mag-evacuate” ng kanilang tanggapan pagsapit ng alas-9:00.

Ayon kay NDRRMC spokesperson Mark Timbal, layon ng mga regular na earthquake drills na sanayin ang publiko para sa kahandaan sa lindol.

Ito’y sa gitna ng magkakasunod na lindol sa Mindanao at sa inaasahang “The Big One” na posibleng tumama sa Metro Manila sa pagkilos ng Marikina faultline anumang oras.

Sa Camp Crame naman, nagsilabasan sa kanya-kanyang tanggapan ang mga pulis dala ang kanilang mga emergency kits, at nag-assemble sa mga open areas.

Iniulat din ng National Capital Region Police Office na nakilahok din sa NSED ang lahat ng police districts sa Metro Manila at balik sa normal ang police operations sa lahat ng mga himpilan ng pulis bandang alas-9:30 ng umaga pagkatapos ng pagsasanay.