Isinaaktibo ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang mga protocol nito sa emergency preparedness response (EPR) sa mga rehiyon na maaaring maapektuhan ng Bagyong Jenny.
Ayon kay OCD administrator, Undersecretary Ariel Nepomuceno, patuloy silang nakikipag-ugnayan sa iba’t-ibang ahensya at sa kanilang mga regional offices upang maging handa sa pagtugon sa nasabing bagyo.
Aniya, ang pag-activate ng mga protocol na ito ng emergency preparedness response ay sumusunod sa panawagan nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na tiyakin ang kaligtasan ng mga komunidad na maaapektuhan ng kalamidad.
Ito rin ay upang agad na magbigay ng mga serbisyo sa pagtugon kung sakaling magkaroon ng emergency.
Ang mga protocol ng emergency preparedness response ay mga hanay ng mga aksyon na dapat isagawa ng mga ahensya ng pambansang pamahalaan at mga LGUs bago ang pananalasa ng bagyo at sa panahon ng mga rescue operation.
Aniya, handa ang lahat ng OCD regional offices at ang RDRRMCs para sa sama ng panahon.
Dagdag pa niya, mahigpit na makikipag-ugnayan ang OCD sa mga regional counterpart nito at iba pang ahensya ng gobyerno habang sinusubaybayan nito ang epekto ng bagyo sa bansa.