-- Advertisements --
emergency1

Humingi na ng ayuda ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa AFP, PNP, Philippine Coast Guard, at Bureau of Fire Protection units para mag-augment at tumulong sa mga gagawing rescue operations.

Sinasabing buhos pa rin ang humihingi ng tulong matapos mai-stranded ang mga kababayan natin dahil sa malawakang pagbaha dulot ng bagyong Ulysses.

Ayon kay Office of Civil Defense Deputy chief, Asec. Casiano Monilla, mahigpit nilang tinututukan ngayon ang Marikina, Pasig at ang buong central Luzon.

Aniya, nagpakawala na kasi ng tubig ang Angat, Ipo, La Mesa at Wawa Dams.

Giit ng opisyal, bukas din ang mga private companies na may kakayahan na magsagawa ng rescue effort para tumulong sa mga nai-stranded na mga kababayan natin.

Sa ngayon, hindi pa masabi ng NDRRMC kung ilan ang mga nailikas, maging ang mga lugar na lubog sa tubig baha dahil nakapokus ang lahat sa ginagawang rescue operation.

Itinanggi naman ng Office of Civil Defense na sila ay “caught flat footed” o hindi nakapaghandang mabuti sa “mala-Ondoy” na pagbaha na dulot ng bagyong Ulysses sa Metro Manila at iba pang mga lugar na dinaanan ng bagyo.

Ayon kay Monilla natuto na ang pamahalaan dahil sa karanasan sa “Ondoy” at kasama ang ganitong scenario sa kanilang pinagpaplanuhan.

Pagkatapos aniya ng “Ondoy” noong 2009 ay sinikap nilang palakasin ang kapasidad ng pambansang pamahalaan at maging ng mga LGU para tumugon sa mga sitwasyong ganito.

Sa panig aniya ng OCD at NDRRMC, ay hindi sila nagkulang sa pagbibigay ng babala, sa katunayan ay maging ang mga rehiyon sa Norte tulad ng Region 1 at Region 2 ay inabisuhan sa posibleng epekto ng bagyong Ulysses.

Sadya lang aniya na minsan ay hindi nakikinig ang mga tao sa babala at hindi sumusunod sa mga payo ng LGU.

Pinangunahan naman kaninang umaga ni DILG Sec. Eduardo Ano ang emergency council meeting sa NDRRMC sa Camp Aguinaldo.