Muling nagpatawag ng pagpupulong ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) upang talakayin ang kasalukuyang sitwasyon ng bulkang Kanlaon na unang sumabog isang linggo na ang nakakalipas.
Batay sa iprinisentang datos ng NDRRMC, nakapagpadala na ang mga ahensya ng pamahalaan ng iba’t ibang mga tulong sa mga apektadong residente na kinabibilangan ng mga gamit panluto, hygiene kits, mga bota, water containers, atbp.
Sa panig ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), nagawa na nitong makapag-abot ng P5.6 million.
Para sa Department of Health (DOH), umabot na rin sa P6.9 million ang halaga ng mga naipamahaging commodities sa mga naapektuhang residente.
Sa panig ng Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD), siniguro nitong magpapatuloy ang pagtutok sa kalagayan ng mga residente, lalo na ang mga posibleng nasiraan ng bahay.
Ayon sa DHSUD, nakahanda ang shelter assistance na ipamahagi sa mga residenteng nawalan o nasiraan ng mga bahay, dala ng pagputok ng bulkan, at pag-agos ng lahar sa iba’t-ibang mga komunidad doon.