Dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan, nagbabala ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa posibleng mga pagguho ng lupa sa maraming bahagi ng bansa.
Ayon kay NDRRMC Spokesperson Director Edgar Posadas, napaka-delikado ang kalagayan ng maraming mga kalsada sa luzon dahil sa ilang linggo nang mga pag-ulan at tiyak na lumambot na ang mga kalupaan.
Ilang mga kalsada rin aniya ang nalubog sa tubig baha at posibleng naka-apekto sa structural integrity o tibay ng mga ito.
Ayon kay Director Posadas, posible ang mga malalaking landslide o pagguho ng lupa sa mga lansangan, lalo na sa mga matatarik na lugar.
Kailangan aniyang alamin muna ng mga biyahero kung maayos bang daanan ang mga kalsada, bago tumuloy sa mga biyahe.
Kasabay nito ay pinag-iingat ng NDRRMC ang publiko, lalo na ang mga bibiyahe ng malayo.
Sa kasalukuyan, mayroong 154 na mga munisipalidad at syudad sa buong bansa ang nasa ilalim ng State of Calamity, dahil na rin sa naging epekto ng Supertyphoon Egay, at ang tuloy-tuloy na mga pag-ulan at pagbaha sa malaking bahagi ng bansa