-- Advertisements --

OCD

Nagpaliwanag ngayon ang National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) kung bakit hindi tugma ang kanilang datos mula sa ibang ahensiya ng pamahalaan kaugnay sa mga naitalang fatalities bunsod ng bagyong Odette.

Ayon kay NDRRMC Spokesperson Mark Timbal, sa panig kasi ng ahensiya may proseso silang ginagawa bago nila ibilang ang isang fatality.

Ang pahayag ng NDRRMC ay paglilinaw kasunod sa inilabas na datos ng Philippine National Police (PNP) kung saan as of 6AM kaninang umaga sumampa na sa 208 ang nasawi dahil sa hagupit ng bagyo.

Paliwanag ni Timbal, kailangan pa kasi isailalim sa validation ang mga naitalang fatalities at dapat may sertipikasyon ito mula sa local government units.

Sa datos na inilabas ng NDRRMC operation center nasa 58 individuals ang nasawi, 18 ang sugatan at 199 ang missing.

Nagsanib pwersa na ang lahat ng ahensiya ng pamahalaan para sa nagpapatuloy na search, rescue at clearing operation.

Patuloy namang pinaghahanap ng mga otoridad ang mga naiulat na missing persons.

Batay sa inisyal na listahan ng mga natukoy na mga turista at kasalukuyang nasa mabuting kalagayan ay nasa 29 ang accounted.

Nasa 276,522 pamilya o 997,665 individuals ang apektado ng bagyong Odette mula sa 2,961 barangays.

Nasa kabuuang 75 areas sa regions 5,6,12, Caraga at BARMM ang nakaranas ng malawakang pagbaha habang nasa 3,803 kabahayan ang nasira.

Batay sa inisyal assessment ng NDRRMC nasa mabigit P225 billion halaga ng mga infrastructure ang nasira, habang nasa mahigit P118 billion naman sa agriculture sector.