Pumalo na sa mahigit P100-milyong halaga ng ayuda ang naipamigay ng pamahalaan para sa mga biktima ng Bagyong Ulysses.
Sa pinakahuling situation report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa kabuuang P114-milyon na ang naipamahagi sa mga apektadong pamilya sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Bicol, at sa Cordillera Autonomous Region.
Ayon sa disaster response body, nanggaling ang assistance sa Department of Social Welfare and Development, local government units, non-government organizations at iba pang mga private institutions.
Nasa halos 900,000 pamilya o 3.6-milyong indibidwal ang naapektuhan ng bagyo kung saan halos 46,000 pamilya o halos 200,000 ang nananatili sa mga evacuation centers.
Habang nasa 73 pa rin ang death toll, at 19 ang mga nawawala.