Naka alerto ngayon ang National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) kasunod ng pananalasa ng Bagyong Kristine.
Ayon kay NDRMC Spokesperson at Office of the Civil Defense (OCD) Director Edgar Posadas ang pagsailalim sa red alert status ng ahensiya ay upang masiguro na natututukan ang mga panganganilangan sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng Bagyong Kristine.
Kasalukuyang nasa Philippine Areas of responsibility (PAR) pa ang Bagyo kaya nararapat lamang matutukan ang mga pangangailangan ng mga kababayan natin.
Sa monitoring ng NDRRMC, sumampa na sa 10 ang casualties ng Bagyong Kristine batay sa isinagawang validation.
Nasa mahigit 431,000 pamilya ang apektado ng bagyo mula sa 12 rehiyon kung saan pansamantalang nanunuluyan ang mga ito sa 4,567 evacuation centers.
Nasa pitong rehiyon ang apektado naman ng malawakang pagbaha.
Samantala, kinumpirma ni Transportation Secretary Jaime Bautista na bukas na ang ilang paliparan sa Bicol region.
Partikular ang paliparan sa Daraga, Virac, Masbate at Naga at maaari na itong gamitin para sa air transport para sa mga relief goods.
Siniguro naman ni Bautista na may mga CAAP personnel silang naka standby para umasisti kung magkakaroon ng flights sa mga nasabing paliparan.
Ang Bicol region ang lubhang naapektuhan ng Bagyong Kristine.
Iniulat naman ng Philippine Ports Authority na nasa mahigit 7,000 pa na mga pasahero ang stranded dahil sa bagyo.