-- Advertisements --

VIGAN CITY – Handang-handa na umano ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa inaasahang paglandfall ng Bagyong Ramon sa Northern Luzon, partikular na sa Isabela sa mga susunod na araw.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni NDRRMC-Office of the Civil Defense spokesman Dir. Mark Timbal na bukod sa kanilang opisina, nakahanda na rin umano ang lahat ng mga national agencies na katuwang nila sa pagbibigay ng tulong at suporta sa mga panahon ng kalamidad.

Aniya, naka-antabay lamang umano ang kanilang opisina sa mga tulong at suporta na hihingin ng kanilang mga local counterparts sa oras na labis ang epektong maramdaman nila sa pananalasa ng nasabing bagyo.

Pinayuhan naman ni Timbal ang publiko, lalo na ang mga naninirahan sa Cagayan at Isabela na maging alerto at kaagad na mag-evacuate kung kinakailangan, lalo na sa mga lugar na kabilang sa mga flashflood at landslide prone areas.