-- Advertisements --
NDRRMC OCD building

Nangako ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na magbibigay ng agarang tulong sa mga apektado ng magnitude 6.8 na lindol na tumama sa Davao Occidental noong Biyernes.

Ito ang tiniyak ng tanggapan matapos ang isinagawang cluster meeting, na pinangunahan ni Vice President Sara Duterte sa NDRRMC Operations Center sa Camp Aguinaldo, Quezon City.

Ang bawat ahensya ng gobyerno din aniya ay nagbigay ng report sa kanilang isinasagawang pagtugon kabilang ang Office of Civil Defense (OCD), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Education (DepEd), Philippine National Police (PNP) at Department of Foreign Affairs (DFA).

Samantala, sinabi ni Duterte sa isang video na ang mga kalamidad katulad ng lindol sa Mindanao ay nagpakita ng kahalagahan ng pagsasagawa ng earthquake drills at disaster preparedness.

Noong Biyernes, iniulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na isang magnitude 6.8 na lindol ang tumama sa Davao Occidental bandang 4:14 p.m.

Ang epicenter ng lindol ay nasa 34 kilometers northwest ng Sarangani Island (Davao Occidental) at may lalim na 72 kms.

Nasira ng lindol ang humigit-kumulang 60 bahay, 32 istruktura, at nagdulot din ng 21 na pagkawala ng kuryente.