Mahigpit ang babala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa mga nakatira sa lugar na daraanan ng bagyong Rolly.
Paghihikayat ni NDRRC Spokesperson Mark Timbal, manatili na lang sa bahay at huwag nang makipagsapalaran sa labas para maiwasan ang anumang aksidente.
Sinabi ni Timbal na makinig din dapat sa mga otoridad at huwag tumawid ng ilog o lumusong sa mga rumaragsang baha para hindi matangay at malunod.
Ipinag-iingat din ng NDRRMC ang mga residente ng Northern Samar at Masbate dahil daw sa mararanasang moderate to heavy rainshowers o pag ulan na may pagkulog at malakas na hangin na tatagal ng isa hanggang dalawang oras.
Pinayuhan na rin ang mga LGUs na gumawa na ng precautionary measures para maiwasan ang anumang aksidente na dulot ng flash floods at landslide.
Ipinauubaya na rin sa mga LGUs ang pagsasagawa ng preemptive evacuations lalo na duon sa mga flood at landslide prone areas.
Muling pinaaalalahanan ng NDRRMC ang mga LGUs na istriktong ipatupad ang COVID-19 protocols sa pagsasagawa ng pre-emptive evacuations.
Samantala, para maiwasang may mapahamak pa sa pagtama ng bagyong Rolly, ipinagbawal na muna ang pagpalaot ng mga mangingisda sa buong rehiyon ng Bicol.
Ayon kay Office of Civil Defense (OCD) regional director at Bicol Disaster Risk Reduction and Management Chairman Claudio Yucot, sakop ng kautusan ang mga mangingisda na gumagamit malilit at maging ng mga malalaking bangka.
Aniya, dalawang araw o higit pa ipatutupad ang “no sail policy” na tatangalin lang kapag wala ng gale warning.
Matatandaan na sa 16 na nasawi dahil sa bagyong Quinta, lima rito ang nanggaling sa Bicol Region at tatlo naman ang mangingisda.