Pinag-iingat at pinapayuhang maging alerto ang mga residente sa Negros Occidental at Negros Oriental sa posibleng ash fall mula sa bulkang Kanlaon ngayong Biyernes, Nobiyembre 8.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), inaasahang tutumbukin ng ash fall ang hilagang-kanlurang bahagi ng bulkan.
Base kasi sa monitoring ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nakapagtala ng pagsingaw na may panaka-nakang abo ang naturang bulkan at tinatayang nasa 7,378 tonelada ng asupre ang ibinuga nito na may taas na 750 metro.
Kung magkaroon man ng pag-abo o ashfall na maaaring makaapekto sa mga pamayanan, mangyaring takpan ng malinis na basahan o dust mask ang ilong at bibig kapag nalanghap ang abo. Hinihimok din ang mga civil aviation authorities na mag-abiso sa mga piloto na iwasan ang pagpapalipad ng eroplano malapit sa tuktok ng bulkan upang makaiwas sa mapanganib na abo
Sa ngayon, nananatiling nakataas sa alert level 2 ang bulkang Kanlaon.