Pumalo na sa humigit kumulang P8 bilyon ang pinsala at production losses sa agriculture sector bunsod ng El Niño phenomenon.
Sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa kanilang situation report na ang danyos sa crops sector sa Cordillera Administrative Region (CAR), Region I, II, III, CALABARZON, MIMAROPA, V, I, VIII, IX, X, XI, XII at BARMM ay nasa P7.962 billion na.
Kabuuang 247,610 magsasaka ang apektado ng tag-tuyot o ng dry spell sa regions CAR, I, II, II, CALABARZON, MIMAROPA, V, VI, VIII, IX, X, XI, XII, CARAGA, and BARMM.
Ang P7.962 billion damage sa agriculture sector hanggang noong Abril 25 ay nasa P3 bilyon na mas mataas kumpara sa P5.05-billion losses na naitala naman noong Abril 2.
Sa hiwalay na report, sinabi ng Department of Agriculture-Disaster Risk Reduction and Management Operations Center na ang volume production loss dahil sa El Niño ay aabot sa 447,889 metric tons, sa 277,889 hectares ng agricultural land.
Ang production loss sa rice sector ay umabot naman sa P4.04 billion, na naka-apekto sa 144,202 hectares ng lupa na may kabuuang 191,761 metric tons na volume loss.
Para naman sa corn sector, ang halaga ng pinsalang iniwan ng dry spell ay nasa P3.89 billion sa 133,007 hectares ng lupain na may kabuuang volume loss na 254,766 metric tons.