VIGAN CITY – Tiniyak ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na mayroong sapat na relief support sa bayan ng Itbayat, Batanes ngunit hindi lamang maipadala kaagad dahil sa masamang lagay ng panahon sa nasabing lugar.
Ito ang paglilinaw ng NDRRMC matapos na umapela ang lokal na pamahalaan ng Itbayat ng dagdag na tulong para sa mga mamamayang naapektuhan ng malakas na lindol.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni NDRRMC-Office of the Civil Defense spokesman Mark Timbal na lahat ng mga relief support na galing sa national government ay nasa Basco, Batanes pa at hindi pa naipapadala dahil hindi naman maaaring makipagsapalaran ang mga maghahatid ng mga ito sa masamang lagay ng panahon.
Aniya, gumagawa na umano sila ng paraan nang sa gayon ay maipadala na sa Itbayat sa lalong madaling panahon ang mga nasabing relief support na para sa mga nananatili pa sa mga make-shift tents.
Nilinaw din ni Timbal na mayroong mga residente ang nakabalik na sa kani-kanilang mga tahanan matapos ang evaluation ng Department of Public Works and Highways.