-- Advertisements --

Wala pang balak itigil ng rescue team ang isinasagawang search, rescue and retrieval operations sa nag-collapse na Chuzon supermarket sa bayan ng Porac, Pampanga.

Kasunod ito ng pahayag ni National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) Executive Director Usec. Ricardo Jalad na may nadi-detect pang “signs of life” ang mga rescuers sa nag collapse na four-storey building.

Ayon kay Jalad, may bitbit na life detector apparatus ang mga rescue teams kaya nadi-detect nilang may mga indibidwal pang buhay.

Umaasa naman si Jalad na may mga survivors pa sa nasabing trahedya, kung saan batay sa kanilang datos ay nasa 14 ang nawawala.

“Ongoing pa rin naman yung operation dun,wala pang umabot sa akin na updated, kasi same yung report kaninang 6:00 o’clock ng umaga, same pa rin yung figure,” pahayag ni Jalad.

Sa kabilang dako, wika naman ni 703rd Brigade Commander BGen. Rowen Tolentino na siyang in-charge sa search and retrieval operations, may nadi-detect pang signs of life ang mga K9 dogs na idineploy ng militar.

Kaya aniya, ang kanilang pokus ngayon ay ma-rescue ang mga survivors kung meron pa.

Paliwanag naman ni Tolentino, hindi sila basta-basta gumagamit ng mga equipment dahil kapag magalaw magbagsakan ang mga semento, lalong malalagay sa peligro ang buhay ng mga survivors.

“Dire-diretso pa yung search and rescue but we are evaluating on daily basis kung meron pa nga o wala na,tapos papasok na rin ang DPWH,eventually piece by piece liliit na rin yung mga rubbles,” wika ni Tolentino.