Wala umanong naitalang malaking pinsala at mga nasawi matapos ang magnitude 5.4 na lindol na tumama sa lalawigan ng Aurora nitong Sabado ng umaga.
Ayon kay Mark Timbal, spokesperson ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sa kabila nito, nagdulot ang pagyanig ng pansamantalang evacuation ng ilang mga residente.
Sa bahagi aniya ng bayan ng San Luis, pitong pamilya ang inilikas sa Barangay Dibut.
Sinabi pa ni Timbal na nagkaroon din ng temporary power interruption sa lalawigan, ngunit bahagi ito ng ipinatupad na precautionary measure.
Nakakita rin sila ng ilang mga minimal damage gaya ng bumigay na bahagi ng kisame ng isang supermarket sa Baler.
Bagama’t lumabas ng bahay ang mga residente kasunod ng pagyanig ng lupa, bumalik naman agad ang mga ito kalaunan.