-- Advertisements --
PDRRMO Masbate

Iniulat ng Office of the Civil Defense (OCD) na walang naitalang ‘major damages’ ang ahensya matapos na yanigin ng magnitude 6.0 na lindol ang lalawigan ng Masbate.

Ayon kay OCD spokesperson Raffy Alejandro IV, bagama’t nagkaroon ng interruption sa electrical supply sa buong lalawigan Masbate at Ticao Island ay wala pa naman aniyang napapaulat sa ngayon na malaking pinsala na idinulot ng nasabing lindol.

Samantala, bukod dito ay iniulat din ng opisyal na dahil sa naturang lindol ay kinailangan din ilipat ang mga pasyente sa Masbate Provincial Hospital sa mga tents bilang bahagi ng kanilang standard operating procedure.

Kaugnay nito ay wala namang naitalang nasaktan sa mga pasyente nang dahil sa naturang pangyayari.

Kung maaalala, una nang sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology na naganap ang lindol bandang alas-2:10 ng madaling araw sa layong sampung kilometro timog-kanluran ng bayan ng Batuan sa Masbate.